top of page
Writer's pictureMaarteng Binibini

#3 Nine Stars: Why Not? [December Blog Series]

Updated: May 13, 2020

I S A N G M A I K L I N G I S T O R Y A ni maarteng binibini

Mayroon akong nabasa dati tungkol sa nine stars — isang fictional o made-up superstition, na matagal bago ko napagtantong gawa-gawa nga lang ito ng isang tao. Sa istoryang nabasa ko, kapag nagbilang ka raw ng nine stars sa magkakasunod na siyam na gabi, matutupad ang kung anumang hilingin mo.


Bilang isang curious na teenager noon, sinubukan ko nga naman gawin. Baka sakali lang may mangyari. Pero hindi ko rin naman napanindigang gawin gabi-gabi dahil no'ng nagtagal, nawaglit din sa isipan ko. Ngayon, matapos ang ilang taon, hindi ko alam bakit ako nagtitingin ng mga article tungkol sa mga ganitong klaseng pamahiin. Mukhang nag-originate ang nine stars sa ideya ng pagbilang ng seven stars sa magkakasunod na pitong gabi, at kung sino ang unang taong makaka-handshake mo kinabukasan ay ang itinakdang magiging katuwang mo habang buhay.


Nakakatawa, bakit ko ba ito ginagawa?


Ganito na ba ako kababaw? Ganito na ba ako kadesperadang maging okay? Baka siguro ito ang majica na idinudulot sa paniniwala ng isang tao kapag nasasaktan — lahat ay kakayanin at gagawin. At napagmuni-muni ko, wala namang masama kung susubukan. Wala namang mawawala sa akin kung gabi-gabi akong titingala upang maghanap at magbilang ng siyam na bituin sa kalangitan. Hindi ba?


Sinubukan ko nga at ito ang bersyon ko ng nine stars...

 

Sa unang gabi,

tulad ng nakasanayan, naglalakad ako papauwi saka ko naisipang tumingala. Hindi gaanong marami ang bituin na nakikita sa syudad na ito o sa lugar namin. Sobrang layo ng distansyang pumapagitan sa amin, pero nagawa kong makahagilap ng nine stars. "Sige! Itutuloy ko na. Wala naman masama kung gagawin ko ito, hindi ba," pangungumbinse ko sa sarili ko.


Kinabukasan, tanghali, nagkaroon ako ng biglaang conversation sa mga nakatatanda kong katrabaho tungkol sa taong espesyal para sa akin – pangalanan nating si ginoo. Matagal-tagal ko din iniwasan ang mga tanong nila tungkol sa kaniya at sa estado ng puso ko ngayon, at ito na siguro ang araw na itinakda para marinig nila ang ilang linggong nagpapabagabag sa akin. Habang nagkukwento, hindi ko naiwasang umiyak. Si ginoo nga pala ang dahilan bakit ko sinimulan ang nine stars journey ko. Binigyan nila ako ng payo at baon-baon ko ang mga sinabi nila sa akin, na nagpadalawang-isip sa akin sa nine stars na balak kong ituloy sa mga susunod na gabi. "Worth it pa ba," tanong ko sa sarili ko. "Teka, bakit ko ba pinu-push 'to," nakaukit ang mga tanong na iyon sa utak ko hanggang sa pagbyahe ko... ngunit ang nakakatawa sa paglalaro ng tadhana sa akin, at hindi ko talaga inaasahan, ay ang makita siya.


Nakita ko siya mula sa malayo, tulad ng pagtingin ko sa mga bituin sa langit na sobrang layo sa akin sa unang gabi. Hindi niya ako nakita syempre. Sa mga oras na ito, ang pakiramdam ko ay parang kaming nasa magkabilang mundo at literal na magkaiba ang direksyong aming tinatahak. Isang ilusyon na nagkita kami sa gitna dahil ang totoo'y malayo pa rin kami sa isa't isa. Dahil sa napag-usapan kanina ay nagkaroon na ako ng sumisibol na rason para itigil na, pero kinagabihan — ang pangalawang gabi — nagawa ko pa ring tumingala at magbilang.


Nagtuloy-tuloy lang hanggang sa nakalipas ang pangatlo. At sa pang-apat na gabi, isa nanamang gabi na malaliman ang napagmuni-muni ko. Bago umuwi ng dorm, nakapanood ako ng isang fireworks display. Mayroon kung anong kumirot sa puso ko. Tila ang mga ilaw sa langit na sabay-sabay sumayaw ay ang sumasabog na nadarama sa kaloob-looban ko. "Hindi ka nanaman okay," may tono ng pananawa ang maliit na boses na kumakausap sa akin. Naglakad lang naman ako, saka tumingala. Hindi ko na lang pinansin pa ang munting boses na kasama ko sa paglalakad.


Isa, dalawa... tatlo, apat... lima... anim, pito, walo... at siyam.


Sunod na araw, kinakabahan akong pumunta ng campus pero kinakailangan din upang makakuha ng mga retrato ng Christmas lights decoration. Sige, inaamin ko, gusto ko rin siyang masilayan. Ginusto kong makasalubong siya, pero hindi naman nangyari 'yon. Siguro nga tama na kapag hinahanap-hanap mo ang isang tao, mas lalo itong hindi magpapakita sa iyo. At nakaraan na ang panlimang gabi, ganoon pa rin ang ginagawa ko — kapag nakauwi na ako at nalimutang magbilang habang naglalakad, bababa ako ng dorm upang mas masilayan ang kalawakan ng langit at maghanap ng mga bituing kokolektahin.


Sa hindi nanamang inaasahang pagkakataon kinaumagahan, kaorasan pa na ngarag ako sa pag-ayos papuntang trabaho at wala pa akong isipin tungkol sa kaniya, nakita ko uli siya. At hindi lang isang beses sa araw na ito, kung hindi dalawa! Na nagsanhi sa akin ng pananakit sa ulo dahil tama nga na kapag hindi mo naman siya hinahanap, saka siya papalapitin sa iyo ng tadhana. Pero may limitasyon pa sa istoryang ito dahil ako lang ang nakakakita. Pang-anim na gabi na ito, at dahil sa mga nangyayari, gustong-gusto ko nang matapos ang nine stars journey ko. Ano kayang mangyayari sa pang-siyam na gabi o kinabukasan nito?


Pampitong gabi, nagpunta muli ako ng campus para sa pangalawang gabi ng pagkuha ng mga retrato. Oo, hiniling ko na sana makita ko siya sa gabing ito. Sa lugar na kinatatayuan ko ay mayroong mga naggagandahang pailaw, which added a lone-romantic mood in the setting. Mabuti na lang at naka-jacket ako dahil kung sakali man akapin ako ng malamig na simoy ng hangin, nakahanda ako. Siya na lang ang kulang sa tabi ko. Panandalian kong binura iyon sa mga iniisip ko at saka kumuha ng retrato. Napatapat naman ang lens ko sa langit, at mas madali pala ditong tumingin ng mga bituin. Nagbilang ako muli. Siyam na bituin. Pinikit ang aking mga mata. Katahimikan. Humingang malalim. At humiling.


Ito na ang pangwalong gabi. May halo ng excitement at kaba ang nararamdaman ko. Makikiayon ba ang tadhana sa sinimulan kong pagbibilang ng nine stars kahit na wala masyadong katiyakan ang mga susunod na pangyayari? Hindi ko alam. Bumaba ako ng dorm para maghanap muli ng mga bituin. Umulan nga pala kanina, kaya makapal ang ulap sa kalangitan. Nakaramdam ako ng kaunting pagkabagabag sa puso ko dahil wala akong halos makita — ayun, may isa! Ngunit wala nang masundan pa ang aking mga mata. Naglakad pa ako... kaunti pa... at napalagay akong muli nang may nakita akong ilang bituin, hanggang sa nakumpleto ko ang siyam. Hay salamat. Bahala na bukas, sabi ko.


Dumating na ang araw na hindi naman gaanong kapana-panabik para sa akin, pero more on sa tanong na, "May mangyayari nga ba?"


Bilang nasa field ang aking trabaho, at hanggang gabi ang duty, binalak kong doon ko na lang tapusin ang nine stars journey ko. Ngunit bago no'n ay mayroon pala muling fireworks display at naalala ko kung ano ang relevance nito sa nararamdaman ko. Natapos ito, ngunit wala pa gaanong bituin. Mukhang makapal ang ulap na nagpapakita ng senyales ng pag-ulan. Nagpasya na lang akong magbilang mamaya.


Ngunit tama nga ang hinala ko: bumuhos ang malakas na ulan.


Senyales na ba 'tong huwag nang umasa? Natatawa nanaman ako sa sarili ko dahil ginagawa ko ito.


Hinintay kong tumila ang ulan. Kasama at nakausap ko rin ang best friend ko sa computer shop na nasa baba ng dormitory namin at madalas kong tambayan. Sa pag-uusap namin tungkol sa mga nagdaang linggo na hindi kami nagkita, nanumbalik sa akin ang mga nangyari, ang mga alaala na nabuo at binuo. Natapos kami sa pag-uusap at sinamahan ko siya hanggang sa labas. Kinuha ko ang pagkakataong iyon na tignan ang langit — ngunit wala muling mga bituing nagkikislapan.


Ayaw na nilang magpakita sa akin. Siguro nga, ito na ang nananampal na senyales sa akin pero hinahayaan ko lang na mamanhid ang sarili ko sa sampal. Nalungkot ako, pero ang sunod ko pa ring ginawa ay hindi sumuko. Naghanap pa rin ako, dahil imposibleng mawalan ng kahit isang bituin sa langit, sabi ko sa sarili ko. Kasama ang aking best friend, hinanap namin ang mga nagtatagong bituin. Ilang minuto rin ang ginugol namin sa paghahanap, hanggang sa may isang kumislap!


ISA! Sige, may natatandaan na akong spot nila mula sa mga nakaraang gabing nagbibilang ako. Hirap na hirap, pero hindi ko sinukuan. DALAWA! Nasisilaw na kami sa mga street lights na nadadaanan namin. TATLO! APAT! Inisip ng best friend ko na baka ang mga nakikita kong bituin ay dahil lang sa mga ilaw na nakita namin sa daanan. But I was sure! LIMA! ANIM! PITO! Kaunti na lang. WALO! Tila parang akong nasa isang game at naka-advance sa difficult round dahil ang mga bituin ay isang beses kung kumislap.


Finally, SIYAM!


Nakumpleto ko! Nakumpleto ko ang nine stars journey ko. Sa huling beses sa pansiyam na gabi, humiling ako, "Sana maging okay lahat. At sana siya na nga."



Kinabukasan, nagising ako sa isang panaginip. Isang panaginip na hindi ko inakalang panaginip talaga dahil sa mundong ito, parang totoo lahat ng nangyari. Natupad ang nine star wish ko sa panaginip ko, at hindi ko maitatangging naghihintay akong mangyari iyon sa totoong buhay. Nagkaroon pa ako ng teorya na paano kung ang mga panaginip pala natin ay totoong pangyayari sa parallel world? Masaya ako para sa isa ko pang bersyon ng maarteng binibini kung ganun nga.



Ilang araw na rin ang lumipas at oo, wala naman ding nangyari pagkatapos ng nine stars journey ko.


Wala.


Wala rin naman talagang nabago. Ang t.a.n.g.a. kong naniwala sa hiwaga ng pagtatagpo at paghahabi ng mga pangyayari. Hindi naman nito nabago ang sitwasyon at ang nararamdaman ko. Hindi nito hinilom ang sakit. Saka ko lang buong napagtanto na ang gawa-gawang pamahiin na ito ay nagsilbing anchor ko lang ng siyam na araw at gabi para kumapit. Tangging-tanggi ako sa realidad na talo ako ngayon — na mahina ako ngayon.


Hindi madali ang pagproproseso lalo na kung nasasaktan ka. You are torn between what your heart really desires and what the reality shows you every day and night, at mahirap pa kung salungat ang realidad sa kung anong nais mo. We just cannot ask the dead stars, fate, cupids, and Him about our desired story development for over nine nights only. It really takes times; everything and everyone indeed.


At ngayon ay hindi ko alam. Hindi ko alam kung anong susunod na steps. Siguro, ipagpapahinga ko muna ang puso ko at hahayaan muna ang mga bagay-bagay na mangyari dahil hindi ko naman lahat kontrolado. Tama nga naman ang sabi ng mga kaibigan ko, hindi ko dapat isipin ang mga bagay na hindi ko kontrolado. Tulad ng nine stars, hindi nga naman porque't sinunod ko ito ay magkakaroon ako ng karapatang kontrolin ang mga pangyayari ayon sa gusto ko.


Oo.


Hindi.


Tama na muna at magtiwala ka na lang, binibini/self.


fin.

21 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page