19 Hulyo 2020
Liham Para Sa Aking Inang Bayan
Malakas ang buhos ng ulan habang sinusulat ko ito, sabay ng nakatatakot na pagkulog at pagkidlat. Ang mundo ngayon ay sobrang ingay. Maulan din ang buwan ng Hulyo, ngunit hindi lamang ang literal nitong konteksto ang aking ibig tukuyin. Lungkot, takot, at paghihinagpis ang naghaharing emosyong bumabalot sa bawat patak ng ulan sa lupa. At tila mas mahaba na ang gabi kaysa sa umaga dahil sa mga kaorasang mapapaisip na lang ako sa kung anong "sorpresa" nanaman ang hatid ng kinabukasan para sa mga mamamayang Pilipino.
Inaamin ko, tulad ng pagtiklop ko sa bawat kulog at kidlat sa tuwing umuulan, nakararamdam na ako ng pangamba sa bawat minutong lumilipas. Hindi ko alam kung ano ang mangyayaring susunod dahil sa bumibigat at dumadaming tanikalang iniikot sa amin. Ako ay isa sa mga may pribilehiyo sa modernong panahon at may minsang napapaisip ako kung nagagamit ko ba ang tapang na mayroon ako sa tamang paraan? Sapat na ba ang boses at aksyong binabahagi ko? Ipagpaumanhin mo kung may pagdududa sa akin, ngunit isa ito sa mga paraan ko upang suriin sa aking sarili kung hanggang saan ang kaya kong ialay na serbisyo bilang isa sa mga nakaapak sa iyong lupa.
At tama! Hindi ko kayang manahimik lamang sa isang sulok. Bilang artista at binhi ng sining, may paraan ako upang palakasin ang boses ng naaapi.
Ngunit nakalulumbay rin. Iisa ang lupang inaapakan namin ngunit pinaghati-hati ng pananaw. Iisa ang lupang inaapakan ngunit marami pa rin ang naiiwan sa laylayan. May ilan na patuloy na naghahari-harian—pikit at bumubundat dahil nakaupo lamang. Bilog ang anyo at pintado ng puti. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos upang magkaroon ng pagkakataong pakinggan ang mga nahihirapan, silang nasa taas ay patuloy lang sa pagpapakasasa. Nananatili lang sila sa nakamamatay na larong bingi-bingihan. Pili ang pinagbubuksan ng tainga. Para sa kanila ay tama ang desisyon nilang pinapataw basta't hindi sila apektado. Ang masaklap ay harap-harapan nilang dinudungisan ang iyong estado ng demokrasya at nawawalan ng saysay ang karapatan pantao at hustisya, ngunit marami pa rin ang bulag, pipi, at bingi!
Batid kong naririnig mo rin ang pakikibaka ng nakararami sa kalsada sa kabila ng lumalaking presensya ng hindi makitang kaaway. Batid kong sari-sari ang iyong nasasaksihan na ako mismo'y hindi ko masisikmurang makita. Batid ko ring ikaw ay muling nahihirapan at nasasaktan mula sa mga kamay ng mapang-abuso, nagpapasakop, at sa dayuhang sa iyo ri'y nahalina at inaasam na angkinin.
Huwag kang matakot. Tahan na. Hindi namin hahayaang mapunta ka muli sa mga tulad nila. Hinding-hindi ka namin bibitawan kahit lumakas ang panig ng mga tutang nagpapakatali na dahil lalaban kaming tunay na iniibig at pinipili ka. Araw-gabi ay nasa puso at panalangin ka namin.
Sobrang bigat na at gustong-gusto kitang yakapin.
Sa ngayon, tila lampara lamang ang pinagmumulan ng ilaw ng ating pag-asa sa mahabang gabi na ito. Ngunit ang pinagsama-samang kislap ng isinapusong panata namin sa'yo ang siyang liwanag na pupuksa sa nagpapahasik ng kadiliman. Mapapadali ang muling pagsikat ng umaga sa atin. Magtiwala ka. Darating ang panahon na iyon.
At kung nagagawa nilang hindi tanggalin ang piring sa kanilang mga mata, may bukod-tangi pa ring nakikita ang lahat ng pangyayari—at Siya ay naghahari at nananahan sa mga puso ng patuloy na lumalaban. Doon pa lamang, hindi mamamatay ang liwanag.
Aking Inang Bayan, maghihilom din ang iyong mga sugat! Matatamasa mo rin ang tunay na kalayaan!
Iniibig kita. Iniibig ka namin.
Lumalaban,
Maarteng Binibining Gerero
Comments