Noong nakaraang Sabado, ika-5 ng Oktubre, naging guest speaker ako sa isang Leadership Training Seminar na ginanap sa aking alma mater. Ang binigay sa aking paksa para sa aking pagbabahagi ay "Life As A Student Leader", na naglalayong makapagbigay inspirasyon at motibasyon para sa mga sumisibol na student leader sa pangkat o batch na ito.
Napangiti ako. Ang saya sa pakiramdam! Minsan na rin akong nasa posisyon nila at hindi pa malaman kung paano ko itutuloy ang aking paglalakbay bilang student leader at kung kaya ko ba itong ipagsabay sa pagiging student artist ko?
Naging aktibong miyembro ako ng isang theater organization at nagsilbi't namuno sa mga estudyante, una bilang class mayor at pangalawa bilang officer ng Student Government. Hinding-hindi ko rin malilimutan na may buhay pa rin ako bilang isang estudyante — na maraming sabay-sabay na deadlines na kailangang i-meet, na dapat maging maalalahanin sa oras na igugugol sa listahan ng mga prayoridad, na dapat matulog sa wastong oras ngunit kung gagawin mo ay wari pagsisisihan mo sa huli, at marami pang nakakaiyak na sitwasyon para sa isang estudyante sa kolehiyo.
"Sabay-sabay na. Kaya ko pa ba? Kakayanin ko ba?" tanong ko sa sarili ko noon.
Pero salamat sa Diyos, ginabayan Niya ako sa aking tinahak na daan. Ang dating imposible't mahirap sa akin ay naging posible at madali, dahil pinakita Niya sa akin ang konsepto ng pag-ibig at dedikasyon sa aking mga ginagawa. Pinamalas niya sa akin kung ano ang hiwagang nagagawa ng pag-ibig kapag sinama mo ito sa pagseserbisyo.
Maganda at makabuluhan.
Ito ang larawang nakikita ko sa dulo ng aking paglalayag bilang student leader — hindi pala... kundi bilang student artist-leader.
Tangan-tangan ko pa rin ang kislap at puso ng isang student artist-leader kahit na gradweyt na ako ngayon. Hindi pa rin pala talaga nawawala 'yon. Kahit nagsara na ang libro ko bilang isang kolehiyala, hindi ibig sabihin na tapos na ang kwento. Bagkus ay tuloy-tuloy pa rin, ngunit sa panibagong libro na na kasalukuyan pang sinusulat.
Dahil sa aking pagbabahagi, mas tumibay at nabuhay ang puso ko sa serbisyo, lalong-lalo na sa larangan ng sining. I want to serve my God, my country, my fellowmen, and the next generations of hope with arts because I know that this act of service is what my heart yearns and where my heart belongs.
Ito na. Ito na ang bagong larawang aking nakikita ngayong binulong na Niya sa akin kung anong kalsada ang aking tatahakin. Kita kong mahaba-haba nanaman itong lakbayin. Mabato. Makitid. At marami pang nakaamba nang mga panibagong pagsubok ang aking kahaharapin, ngunit kung para sa mas pagpapatibay ng puso sa serbisyo... kakayanin!
Nasasabik na ako sa pamumulaklak ko bilang isang alagad ng sining!
I'll be quoting this line from Alone/Together, "Art is not just for self-expression but also used to serve the people."
Comments